Seaweeds industry sa Quezon, lalong pinag-iigting
Bilang pinakamalaking lalawigan sa larangan ng pagsasaka at pangingisda sa buong CALABARZON, maraming programa ang pambansa at lokal na pamahalaan upang alagaan ang mga sektor na ito.
Isa sa mga proyekto ng Department of Agriculture (DA) ay ang Philippine Rural Development Project (PRDP). Ang lalawigan din ng Quezon ang nangunguna sa CALABARZON pagdating sa pakikiisa rito. Ang mga imprastraktura at negosyo sa ilalim ng PRDP ay naka-angkla sa virgin coconut oil, saging, dairy, at ang may pinakamalaking investment at dami ng negosyo sa lalawigan ay naka-angkla sa seaweeds.
Base sa Philippine Statistics Authority, ang probinsiya ay may produksyon ng seaweeds na umabot sa 41.17 metrikong tonelada noong 2014. Nagmumula rin sa Quezon ang halos lahat ng fresh at dried seaweeds na kinukuha sa rehiyon.
Karamihan ng mga bayan na nagtatanim ng seaweeds sa Quezon ay nasa Polillo Group of Islands, Alabat Island, Bondoc Peninsula, at iyong mga malapit sa Bicol.
“Malaki ang potential ng pagsi-seaweeds dito sa aming lalawigan. Kami ang pinakamalapit sa mga pabrika at exporters na matatagpuan sa Cavite at Laguna na may malaking produksyon. Maganda rin ang kalidad ng aming seaweeds,” pahayag ni Gob. David Suarez.
Sa kabila ng mga hamon sa produksyon ng seaweeds kagaya na lamang ng pabago-bagong panahon, nananatili pa rin ang seaweed farming bilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng 158 seaweed farmers ng Samahan ng Mangingisda at Magsi-Seaweeds sa Brgy. Villa San Isidro, Calauag at ng 54 na miyembro ng Samahan ng Maliliit na Mangingisda ng Bagong Silang ng Polilio Group.
Ang Samahan ng Mangingisda at Magsi-Seaweeds ng Calauag ay mayroong 136 na benepisyaryo, samantalang ang Samahan ng Maliliit na Mangingisda ng Bagong Silang, Burdeos ay mayroon namang 54 na benepisyaryo.
Kabilang sa proseso ng seaweed production ay ang planting, monitoring, cleaning, replenishing mortality, harvesting, drying, at consolidating. Ito naman ay nagtatapos sa marketing. Hangarin ng parehong samahan na mas mapataas pa ang bilang ng produksyon sa kani-kanilang bayan na higit pang makatutulong sa mga miyembro nito. Kaugnay nito, layunin din ng bawat grupo na makapagbigay ng mas dekalidad pang mga produkto mula sa seaweed.
Ang sektor ng agrikultura ay isa sa mga pangunahing tinututukan ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at sa patnubay ng gobernador. Katuwang ang PRDP, layunin ni Gob. Suarez na mas mabigyan pang suporta ang mga kababayang magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng mga programang patuloy na magpapa-igting ng kanilang kabuhayan. ### Ma.Janet Geneblazo-Buelo, Quezon Province – Provincial Information Office